PHILSA, NIA LUMAGDA SA MOU PARA SA IRIGASYON

Quezon City, Philippines – Lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Philippine Space Agency (PhilSA) at National Irrigation Administration (NIA) upang gamitin ang space technology sa pagpapabuti ng irrigation systems at pamamahala ng water resources sa buong bansa.

Nilagdaan ang kasunduan noong Abril 14 nina PhilSA Ad Interim Director General Gay Jane P. Perez at NIA Administrator Eduardo Eddie G. Guillen.

Layunin ng MOU na magamit ang satellite data at analytics sa pagpaplano, pag-develop, at monitoring ng irrigation systems upang maisakatuparan ang mas maagap at real-time na pamamahala ng tubig.

Sa ilalim ng kasunduan, magsasagawa ng pagtutulungan ang dalawang ahensya sa research at development, paggamit ng satellite data, at pagsasanay upang mapalakas ang technical capacity ng NIA.

Magkakaroon din ng pagbuo ng space-enabled tools na makatutulong sa mas mabilis at data-driven na pagdedesisyon sa irrigation management.

Ayon sa PhilSA, “ang paggamit ng space technology ay mahalaga upang mapabuti ang pamamahala ng tubig at masuportahan ang pangangailangan sa agrikultura ng bansa.”

Inaasahan ding susundan ang MOU ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na maglalaman ng mga detalye ng implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng partnership.

Dagdag pa ng ahensya, ang kolaborasyon ay sumusuporta sa mga layunin ng bansa sa food security, water sustainability, at climate resilience.–Carlos Concha, Contributor

Share this