PNP, NASABAT ANG ₱1.39-M SHABU; COURIER ARESTADO SA MISAMIS OCCIDENTAL

Plaridel, Misamis Occidental – Arestado ang isang hinihinalang drug courier matapos mahuli ng pulisya sa isinagawang roving patrol sa Barangay Southern Poblacion, madaling araw ng Abril 20.;

Kinilala ang suspek sa alyas na “Harries,” 26-anyos at residente ng Lanao del Norte, na napansin ng mga awtoridad dahil sa kahina-hinalang kilos habang may dalang kahon.

Tinangka pang tumakas ang suspek ngunit agad din itong naaresto ng mga operatiba ng Plaridel Municipal Police Station.

Narekober mula sa kanya ang tinatayang 205 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang umaabot sa ₱1,394,000, kasama ang mahigit 40 sachet, isang karton na lalagyan, at ₱1,500 na cash.

Ayon sa pulisya, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinanggalingan ng droga at posibleng koneksyon ng suspek sa mas malawak na ilegal na operasyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Carlos Concha, Contributor

Share this