Baguio City, Philippines — Sampung katao ang napatay matapos mananalasa ang pinagsamang epekto ng Bagyong Maymay at Southwest Monsoon (Habagat) sa lungsod ng Baguio, ayon sa Baguio City Public Information Office (Baguio PIO).
Base sa kanilang pinakabagong tala (August 12, 2026), tatlo rin ang sugatan dahil sa masamang panahon.
Samantala ayon naman sa Baguio City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), umabot na sa 996 na indibidwal o 216 na pamilya ang apektado.
Tinatayang nasa anim na kabahayan naman ang napinsala at 38 naman ang bahagyang nasira.
Kabilang nga sa mga insidenteng naitala ay ang pagbaha, pagguho ng lupa, at kawalan ng kuryente.
Kasalukuyang nasa evacuation center naman ang 54 na pamilya o tinatayang 222 na mga indibidwal, ayon sa City Social Welfare and Development Office.
Patuloy naman ang pag-abot ng tulong ng pamahalaang lungsod kasama ang iba pang government agencies sa mga naapektuhan.
”Response and monitoring efforts are being conducted with various city offices and national government agencies, including Benguet Electric Cooperative (BENECO), Baguio City Police Office, Bureau of Fire Protection, Philippine Red Cross, Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Air Force and private volunteer groups and individuals,” ani Baguio PIO.—Poliana Caluday, Contributor