DOH, PINAGSUSUOT NG FACEMASK, SAFETY GOGGLES AT LONG SLEEVES ANG MGA TAGA-CAMALIG ALBAY NA NAKARARANAS NG ASH FALL 

Albay, Philippines – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga residente ng Camalig Albay na kasalukuyan ngayong nakararanas ng ash fall o abo na magsuot ng facemask, o basang panyo, Safety Goggles at iba pang proteksyon sa katawan. 

Kasunod ito ng patuloy na pag-aalburoto at aktibidad ng Bulkang Mayon.

Batay sa tala ng Munisipalidad ng Camalig, nasa 36 na barangay o katumbas na ng 30,000 indibidwal sakanilang bayan ang kasalukuyan ngayong apektado ng Ash Fall.

Ayon sa DOH mapanganib ang abo na galing sa bulkan lalo na sa may mga asthma.

Maaari rin daw itong makaapekto sa paningin kaya’t inirerekomenda ang paggamit ng salamin o goggles, ngunit hindi ang pagsusuot ng contact lense.

Hinihikayat din ang publiko na manatili sa loob ng bahay, iwasan ang pagbubukas ng pinto at bintana at magsabit ng basang kurtina.

Sakali man daw makaranas ng pamumula at pananakit ng mata, magpakonsulta kaagad sa doktor o pumunta sa pagamutan.

Parehong paalala rin  ang inilabas ng Camalig Tourism, kung saan mahigpit na ipinatutupad ang madatoryong pagsusuot ng facemask sa lahat ng mga bisita sa bayan, maging mga tourism workers lalo tuwing nasa outdoor areas. 

Inirerekomenda rin nila ang paggamit ng N95, KN95 o surgical masks na pinaka-epektibong pansalag sa maliliit at pinong abo.

Sa ngayon nagsasagawa na ang Camalig Fire station ng Flushing operation sa mga kalsada para matanggal ang mga abo 

Nag-iikot din ang MDRRMO ng mga facemask sa publiko.

Kinansela naman na ni Camalig Mayor Caloy Baldo ang face-to-face classes ng mga estudyante sa apektadong barangay na sasailalim muna pansamantala sa alternative learning modalities.

Habang mananatiling may pasok sa eskwelahan ang mga nakatira sa upland areas.

Samantala ang Ash Fall na ibinuga ng bulkang Mayon ay naganap matapos ang Pyroclastic Density Current (PDC).

Sa loob ng 24 oras nakapagtala na ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 52 PDC, 396 rock fall events, at 2 volcanic eartquakes.

Nananatili namang sarado sa publiko at hindi  pinahihintulutan ang pagpasok ng mga ito sa 6-kilometer Danger Zone (PDZ).

Bawal din ang pagpapalipad ng anumang uri ng aircrafts sa tuktok ng Bulkan.

Share this