Manila, Philippines – July 2025 kasabay ng kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon ng korapsyon sa likod ng mga ghost at substandard flood control projects sa bansa.
Mula nito, nagsagawa ang gobyerno ng kaliwa’t-kanang inspeksyon at imbestigasyon sa mga flood control projects sa bansa–mga proyektong tinipid, minadali, o hindi naman totoong naitayo.
Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee, House of Representatives, Office of the Ombudsman, Department of Justice, DPWH, maging ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng corruption scandal, kung saan mayroon nang mga indibidwal na nakasuhan, at mga ari-ariang nabawi.
Sa kabila nito, hindi naman naiwasan ng publiko na kwestiyunin ang naging progreso at estado ng imbestigasyon ng pamahalaan na tila nakalimutan na ang isyu ng flood control projects corruption.
Mula kasi nang simulan ang imbestigasyon, hindi pa rin nahuhuli ang dating mambabatas na si Zaldy Co na umano’y utak ng budget insertions sa Kongreso, habang ang ICI, opisyal nang magtatapos ang operasyon ngayong March 31, 2026.
Ngunit depensa ng Palasyo, hindi nakakalimutan ng pamahalaan ang isyu sa likod ng flood control projects, at na patuloy pa rin ang imbestigasyon.
Ayon kay Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro, nananatili pa ring prayoridad ng gobyerno ang kampanya kontra korapsyon.
Paliwanag ni Castro sa kaso ng cease of operations ng ICI, alinsunod ito sa naging accomplishment ng Komisyon ng kanilang mandato bilang isang fact-finding body.
Ngayong Marso, itinurn-over na ng ICI sa Ombudsman at DOJ ang lahat ng mga dokumentong may kinalaman sa imbestigasyon na nakalap nila mula sa ilang buwang operasyon.
Aminado naman si Castro na posibleng na-overwhelm ang mga nasabing investigative agencies sa dami ng mga isinumiteng dokumento ng ICI, gayundin sa dami ng mga indibidwal na inirekomendang kasuhan.
Sa kabila nito, nanindigan ang Palasyo na tuloy-tuloy pa rin ang imbestigasyon at na walang sasantuhin, kahit sino pa man ang mga sangkot sa korapsyon.–Mia Layaguin, Eurotv News