Manila, Philippines – Tulad ng inaasahan. Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga petrolyo ang pangunahing dahilan ng mabilis na paggalaw ng inflation noong Marso.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority, bumilis sa 4.1% ang antas ng Inflation noong March 2026.
Mas mabilis kumpara sa 2.4 % noong February 2026 at 1.8% noong Marso 2025.
Ayon kay PSA National Statistician and Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa, sector ng transportasyon ang pangunahing nag-ambag sa pagbilis ng inflation rate na may 54.8% share sa pagtaas ng antas.
Partikular sa sector na ito ang pagtaas ng presyo ng gasoline at diesel noong Marso.
Pahayag ni USEC. Mapa, epekto ito ng gyera sa Gitnang Silangan kung saan isinara ng Iran ang Strait of Hormuz na kilalang trading center produkto at daanan ng mga oil tanker.
Ayon sa opisyal, nakapag-ambag din sa mabilis na inflation rate ang Food and Non-Alcoholic beverages, particular ang presyo ng Cereals and Cereal products, Lalo na ang bigas.
Binigyang diin ni Mapa na matapos ang negative inflation rate ng bigas, muling sumampa sa positive digit ang inflation rate nito sa 3.6%.
Paliwanag ni Mapa, epekto rin ito ng pagtaas ng mga presyo sa sector ng transportasyon.
Sumunod, ang Housing, water, electricity, gas, and other fuels, particular ang Electricity, LPG, at rentals.
Giit ni USEC. Mapa, sa kanilang pagtataya, posibleng mas bumilis pa inflation rate sa mga susunod na buwan.
Ito’y kung magpapatuloy o hindi pa huhupa ang sigalot sa pagitan ng Iran, United States, at Israel.
Hindi pa matukoy sa ngayon ng PSA kung gaano ang ibibilis ng inflation rate sa susunod na buwan.
Dahil depende rin umano ang pagbilis nito sa presyo ng ibang commodity na sinusukat at binabantay ng PSA.
Kasunod ng mabilis na paggalaw ng inflation rate noong Marso, iginiit ni Economic Secretary Arsenio Balisacan na prayoridad sa ngayon ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng mga filipino sa abroad, at magpatupad ng mga solusyon.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pamamahagi ng mga tanggapan ng gobyerno ng tulong pinansyal sa mga direktang naaapektuhan ng pagsirit ng presyo ng langis bunsod ng kaguluhan.—Krizza Lopez, Eurotv News