Iloilo, Philippines — Nagtayo ang pamahalaang lungsod ng Iloilo ng mga cooling center sa iba’t ibang barangay bilang tugon sa matinding init na nararanasan sa Western Visayas.
Ayon kay Mayor Raisa Treñas, bahagi ito ng dalawang hakbang ng lungsod upang maprotektahan ang mga residente laban sa mataas na heat index. Bukod sa mga cooling center na magsisilbing agarang pahingahan ng publiko, isinusulong din ang mas pinaigting na tree-planting program bilang pangmatagalang solusyon sa urban heat.
Hindi na magtatayo ng bagong imprastraktura ang lungsod. Sa halip, gagamitin at iko-convert ang mga kasalukuyang gusali at pansamantalang istruktura bilang cooling zones upang mapabilis ang implementasyon at makatipid sa pondo.
Ang plano ay nakabatay sa international best practices matapos sumailalim sa pagsasanay sa Thailand ang mga tauhan mula sa iba’t ibang tanggapan ng City Hall, kabilang ang City Agriculturist, City Planning and Development Office, at City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa kasalukuyan, tinatapos na ang komprehensibong plano na isasama rin ang Heat Safety Protocols resolution na inihain ni City Councilor Alan Zaldivar.
Bukod dito, pinaigting na rin ang water distribution sa mga lugar na kulang sa suplay ng tubig upang matugunan ang agarang pangangailangan sa hydration at kalinisan.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng Iloilo City Government na mabawasan ang panganib sa kalusugan dulot ng matinding init at mapangalagaan ang kapakanan ng mga nasasakupan.