P10/L FUEL SUBSIDY PROGRAM MATATATANGGAP NA SA 938 NA GASOLINAHAN NATIONWIDE

Manila, Philippines — Ipatutupad ng Department of Energy (DOE) katuwang ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Bank of the Philippines ang P10 kada litro na Fuel Subsidy Program sa lahat ng mga gasolinahan sa buong bansa.

Inaasahan na makikinabang rito ang mga Modern at Traditional Public Utility Jeepneys, UV Express Units, pati na rin ang mga may valid Certificate of Public Convenience (CPC), Provisional Authority (PA) o Special Permit.

Ayon kay DOE Secretary Sharon S. Garin, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.  at ng ahensya aabot sa 938 fuel stations nationwide ang operational at handang tumanggap ng fuel subsidy transactions para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Layunin ng programa na masuportahan ang mga tsuper sa kanilang araw-araw na pasanin at upang mas mapalawak pa ng pamahalaan ang mga programa na makatutulong para sa mga nasa transport sectors. 

Kasunod nito, maaaring makakuha ng katumbas ng halos 150 liters o hanggang P1,500 kada linggo na subsidya ang mga tsuper.

Gayunpaman, ang hindi aniya magagamit na subsidy balance sa loob ng isang linggo ay hindi na maaring magamit pa sa mga susunod na linggo.

Kung paano mapapabilang sa fuel subsidy magtungo lang aniya ang mga tsuper sa mga praticipating gasoline stations na may nakapaskil na tarpaulin ng programa. 

Ipagbigay alam sa mga gas attendant ng mga gasolinahan na kayo ay kukuha ng P10 kada litro na Fuel Subsidy Program ng ahensya. 

Ibigay ang mga kinakailangan upang mapabilang sa programa kabilang na ang plate number at buong pangalan upang masuri ang inyong eligibilty at natitirang subsidy balance, kung kayo ay qualify maaaari na kayong makapag-avail ng produktong petrolyo at agad na mababawas ang diskwento sa inyong mga resibo. 

Samantala, kung may mga katanungan at beripikasyon maaari aniya na magtungo ang mga tsuper sa tanggapan ng LTFRB , facebook page o sa public assistance and complaint desk (PACD).

Layunin ng programa na gawing mas accessible, mabilis, at maginhawa ang pag-avail ng fuel assistance para sa mga tsuper na umaasa sa araw-araw na pasada para sa kanilang kabuhayan.—Grachella Corazon, Eurotv News

Share this