PROSECUTION, NILINAW NA BUMABA RIN ANG BOTO PARA SA ACQUITTAL SA IMPEACHMENT TRIAL MATAPOS ANG RULING NG SENADO

Manila, Philippines — Matapos pagdesisyunan ng Senate Impeachment Court ang apela ni Senator-Judge Erwin Tulfo kaugnay sa pagbabago ng 2/3 denominator, nilinaw ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro na hindi lamang ang bilang ng boto para sa conviction ang naapektuhan ng desisyon ng korte, kundi maging ang boto para maiwasan ang conviction.

Ito rin ang punto ni House Prosecutor at Akbayan Party-list Representative Chel Diokno noong Miyerkules, kung bakit mahalagang talakayin ang paglilinaw sa 2/3 denominator sa Impeachment Court.

Giit ni Luistro, two-way consequence ang naturang desisyon dahil parehong naaapektuhan ang bilang ng boto sa conviction at acquittal.

Paliwanag niya, kung 20 senador ang aktibo at kwalipikadong makilahok sa paglilitis hanggang sa araw ng pagboto, 20 ang magsisilbing denominator sa 2/3 voting baseline.

Sa ganitong bilang, 14 na boto ang kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte, habang pitong boto naman ang kailangan upang hindi maabot ang conviction threshold.

Kung 24 senator-judge naman ang gagawing denominator, 16 na boto ang kailangan para ma-convict ang Bise Presidente, habang siyam na boto ang sapat para hindi maabot ang conviction threshold.

Mali umano na sabihing bumaba lamang ang bilang ng boto para sa conviction, dahil kasabay ding nagbabago ang bilang ng boto para maiwasan ang conviction.

Pinabulaanan din ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na gumaan ang trabaho ng prosecution panel matapos baguhin ang 2/3 denominator.

Nanindigan siya na walang magbabago sa proseso ng pagharap at paglalahad ng mga ebidensya at testigong ihaharap sa korte.

Mananatili pa rin umano ang bigat sa prosecution team na patunayan ang mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinagot din ng prosecution ang pahayag ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte na naging bulag na ang hustisya sa Pilipinas at dapat Supreme Court ang magdesisyon sa usapin ng voting threshold.

Iginiit din ng kongresista na pansamantala lamang ang posisyon sa gobyerno, ngunit mananatili ang Konstitusyon.

Sagot naman ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante, opinyon ito ni Duterte, ngunit sa kanyang personal na pananaw, naaayon sa Konstitusyon ang naging hakbang ng Impeachment Court.

Aniya, kinikilala ng Kamara at ng prosecution panel ang mandato ng Konstitusyon.

Noong Miyerkules, nasagot na ang unang pangamba ng publiko kaugnay sa 2/3 voting threshold.

Bago matapos ang paglilitis, inilabas na ni Senator-Judge at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang bagong ruling na susundin sa pagbibilang ng mga boto sa impeachment trial.

Sa ilalim ng bagong ruling, hindi awtomatikong 24 na senador ang magiging denominator. 

Bibilangin lamang ang mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang makilahok sa proceedings sa oras ng final vote.

Share this