CICC: BAN SA DISCORD, INALIS MATAPOS ANG KASUNDUAN SA MAS MAHIGPIT NA SAFETY PROTOCOLS

Manila, Philippines — Noong nakaraang araw, nakaranas ng aberya ang ilang Pilipinong gumagamit ng Discord para sa kanilang trabaho, komunikasyon, at iba pang mahahalagang transaksyon matapos mawalan ng access sa application.

Agad namang nakipag-ugnayan ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa National Telecommunications Commission (NTC) para maibalik ang access sa Discord matapos makipagpulong sa pamunuan ng platform.

Ayon kina Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda at CICC Undersecretary Renato Paraiso, nagkaroon sila ng pagpupulong kasama ang pamunuan ng Discord at Reddit upang talakayin ang mga hakbang laban sa illegal at mapanganib na aktibidad sa kanilang mga platform.

Pahayag ni Paraiso, nagkasundo ang dalawang platform na makipagtulungan sa pamahalaan para mas mabilis na matukoy ang mga online threat at iba pang mapanganib na content.

Kasabay ng press briefing, humingi rin ng paumanhin si Paraiso sa mga naabala ng ilang oras na ban sa Discord sa bansa.

Personal umano niyang nauunawaan ang komunidad na gumagamit ng Discord para sa kanilang trabaho, kliyente, at negosyo.

Giit ni Paraiso, mabilis na inalis ang ban matapos ipakita ng Discord ang pakikiisa nito sa mga hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga bata sa Pilipinas laban sa online abuse at exploitation.

Dagdag naman ni Aguda, hindi ito ang unang pagkakataon na nagpatupad ang pamahalaan ng restriction laban sa isang application.

Nabanggit niya ang naging agarang pag-ban sa online game na Grok bilang isa pang halimbawa.

Hindi rin naman itinanggi ng Discord na may mga aspeto sa kanilang platform na kailangang ayusin at higpitan.

Partikular dito ang encrypted communication, na ayon kay Paraiso ay nagagamit ng mga predator para sa grooming at exploitation ng kanilang mga target.

Pinabulaanan din ni Aguda ang mga kumakalat na haka-haka sa social media na ginigipit ang dalawang platform dahil sa ibang layunin.

Binigyang-diin niya na ang layunin ng pamahalaan ay protektahan ang mga kabataan laban sa mga online threat at iba pang external factors na maaaring magtulak sa kanila sa paggawa ng krimen.

Samantala, nagbigay rin ng commitment ang Reddit na magtatayo ng opisina sa Pilipinas, habang may opsyon naman ang Discord na magtatag ng local satellite office o magtalaga ng mga kinatawan sa bansa para mapadali ang koordinasyon sa DICT at CICC.

Bagama’t hindi pa agad maisasagawa ang pagtatayo ng mga opisina, sinabi ng CICC na nagsimula na ang dalawang platform na magtalaga ng mga opisyal na regular na makikipag-ugnayan sa pamahalaan.

Kabilang din sa napagkasunduan ang pagtatatag ng “green lane” o direktang mekanismo para mapabilis ang pag-uulat, pag-review, at posibleng pagtanggal ng harmful content at pagtukoy sa mga threat actor.

Nag-ugat ang mga hakbanging ito dahil sa mga pangamba sa online safety kasunod ng ikatlong insidente ng school shooting ngayong taon sa Banga National High School sa South Cotabato.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this