Manila, Philippines — Nanawagan ang administrasyong Marcos sa publiko na patuloy na suportahan ang kampanyang “4 O’Clock Habit” ng Department of Health (DOH) bilang bahagi ng mga hakbang laban sa dengue at iba pang sakit na dala ng lamok, lalo na ngayong nagsisimula ang panahon ng tag-ulan.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Claire Castro na alinsunod sa rekomendasyon ng World Health Organization, nananatiling pangunahing paraan ang vector control upang maiwasan at makontrol ang pagdami ng mga kaso ng dengue.
Ang kampanyang “4 O’Clock Habit” o “Alas Kwatro Kontra Mosquito” ay naghihikayat sa mga mamamayan na isagawa ang “Taob, Taktak, Tuyo, at Takip” upang maalis ang mga posibleng pamugaran ng lamok at mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ayon kay Castro, malaking ambag ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga hakbang kontra dengue sa pagbaba ng bilang ng mga kaso nito sa bansa ngayong taon.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, bumaba ng 57 porsiyento ang naitalang kaso ng dengue sa buong bansa. Mula sa 110,924 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, nasa 48,151 kaso na lamang ang naitala ngayong taon.
Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaan ang publiko na makiisa sa kampanya upang mapanatili ang pagbaba ng mga kaso ng dengue at maprotektahan ang kalusugan ng mga komunidad sa buong bansa.