Manila, Philippines — Nanawagan si Senator Erwin Tulfo ng isang agaran at malawakang rebyu sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 upang isama ang lahat ng mahahalagang stakeholders sa pag-aaral kung dapat na bang ibaba ang edad ng kriminal na pananagutan sa bansa.
“Ang kailangan po nating gawin ay reviewhin ang batas, ASAP,” ito ang binigyang-diin ni Tulfo sa naganap na Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) Balitaan sa Harbor View, nitong Martes, Hulyo 7.
Ayon sa senador, mahalagang marinig ang boses ng lahat at hindi lamang ng mga mambabatas o mga abogado. Kinuwestiyon niya kung pinag-aralan ba ng mga piskal ang sikolohiya, o kung alam ba ng mga social worker ang buong batas.
Dahil dito, iginiit niya na dapat umupo sa talakayan ang Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), mga magulang, guro, kinatawan ng kabataan, at mga psychiatrist upang matansya nang maayos ang batas.
Kasabay nito, ipinunto rin ni Tulfo ang matinding kakulangan sa mga rehabilitation facilities sa bansa. Aniya, sa halip na ihalo sa mga normal na kulungan na posibleng lalo lamang magpasama sa kanila, dapat ay magpatayo ng mga hiwalay at sapat na pasilidad para sa rehabilitasyon ng mga menor de edad.
Bukod sa mismong batas, hiniling din ng mambabatas na silipin at limitahan ng isang kaukulang ahensiya ang paggamit ng mga kabataan sa online games at social media na may malaking epekto rin sa kanilang pag-uugali.—Angel Aldo, Contributor