P975-B DEPED BUDGET PARA SA 2027, INIHARAP SA HOUSE APPROPRIATIONS COMMITTE

Manila, Philippines — Iniharap ng Department of Education (DepEd) sa House Committee on Appropriations ang panukalang ₱975.96 bilyong badyet ng ahensya para sa taong 2027.

Sa pagdinig, hiniling ni Education Secretary Sonny Angara ang karagdagang ₱145.19 bilyon upang pondohan ang mga kritikal na programa at interbensyong hindi naisama sa National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Angara, layunin ng karagdagang pondo na mapabilis ang pagpapatupad ng mga reporma at mapabuti ang learning outcomes ng mga mag-aaral sa buong bansa.

Sa panukalang badyet, nakalaan ang ₱766.74 bilyon para sa Personnel Services, mas mataas ng 8.64 porsyento kumpara sa nakaraang alokasyon.

Samantala, bumaba naman ng 15.94 porsyento ang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses, habang 67.49 porsyento naman ang ibinaba ng Capital Outlay.

Kabilang sa pangunahing hinihinging dagdag na pondo ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program, na walang nakalaang pondo sa 2027 NEP sa kabila ng naiulat na positibong resulta nito sa learning recovery.

Kasama rin sa mga prayoridad ng DepEd ang promosyon ng mahigit 135,000 guro at punong-guro, pagtatayo ng mahigit 4,900 bagong silid-aralan, at pagpapatupad ng School-Based Feeding Program na inaasahang makikinabang ang nasa 3.69 milyong mag-aaral.

Iginiit ng DepEd na mahalaga ang karagdagang pondo upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng sektor ng edukasyon at mapalakas ang mga programang direktang nakatutulong sa pagkatuto at kapakanan ng mga estudyante.

Share this