DILG HINIHIKAYAT ANG MGA LGU NA GAMITIN ANG L!STO MANUAL PARA SA PAGHAHANDA SA LINDOL

Manila, Philippines — Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) sa bansa na lubos na gamitin ang Operation L!STO Manual on Disaster Preparedness for Earthquakes upang mapalakas ang kanilang kahandaan, pagtugon, pagbangon, at rehabilitasyon kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.

Ang naturang manual ay binuo noong 2023 ng Local Government Academy ng DILG katuwang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at iba pang mga stakeholder. Layunin nitong magbigay ng siyentipikong gabay sa mga LGU sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo bago, habang, at pagkatapos ng malalakas na lindol.

Ayon sa DILG, mahalagang papel ang ginagampanan ng mga LGU bilang unang linya ng depensa laban sa mga sakunang dulot ng lindol. Sa pamamagitan ng Manual, mas napapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na makapaghanda, makatugon, at makabangon mula sa mga epekto ng kalamidad.

Nakasaad sa Manual ang mga tungkulin ng mga local chief executive (LCEs), Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs), at mga barangay sa apat na yugto ng disaster management: Early Preparedness, Pre-Hazard Preparedness, Minimum Critical Preparedness, at Early Recovery and Rehabilitation.

Sa ilalim ng Early Preparedness, hinihikayat ang mga LGU na magsagawa ng earthquake risk assessment, gumawa ng hazard maps, at bumuo ng contingency plans upang mabawasan ang panganib ng sakuna.

Samantala, sa yugto ng Pre-Hazard Preparedness, inaasahang pagtitibayin ng mga LGU ang kanilang mga response protocol, pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan ng imprastraktura, pagpapalakas ng evacuation plans, pagtatatag ng public warning systems, at regular na pagsasagawa ng earthquake drills.

Kapag naganap ang lindol, agad na ipinapatupad ang Minimum Critical Preparedness phase kung saan isinasagawa ang disaster response plans at mga paunang hakbang para sa pagbangon ng mga apektadong komunidad. Kasama rin sa Manual ang General Action Flowchart na nagsisilbing gabay batay sa antas ng intensity ng lindol na nakategorya bilang Alpha (Intensity IV), Bravo (Intensity V–VI), at Charlie (Intensity VII pataas).

Para naman sa Recovery and Rehabilitation, inaatasan ang mga LGU na gamitin ang kanilang mga pre-disaster recovery plan upang mapabilis ang damage assessment, pagmomobilisa ng pondo para sa rehabilitasyon, at koordinasyon ng mga programang pangbangon. 

Binibigyang-diin din ng Manual ang kahalagahan ng paghahanda ng Post-Disaster Needs Assessment (PDNA) report bilang batayan sa mas epektibong recovery planning at mga build-back-better initiatives.

Binigyang-diin ng DILG na dahil nananatiling bulnerable ang Pilipinas sa mga lindol at iba pang seismic hazards, mahalagang maisabatas at maisakatuparan nang maayos ang mga mekanismo ng paghahanda at pagbangon sa antas ng lokal na pamahalaan. Sa pamamagitan ng Operation L!STO Manual, inaasahang magiging mas maagap, organisado, at matatag ang mga komunidad sa pagharap sa mga sakunang dulot ng lindol.

Share this