LGU INFANTA NILINAW ANG ISYU SA ENVIRONMENTAL FEE MATAPOS MAG VIRAL ANG VIDEO NG ISANG RIDER

Manila, Philippines — Nilinaw ng Pamahalaang Bayan ng Infanta ang mga kumakalat na impormasyon kaugnay ng Municipal Environmental Users Fee (MEUF) matapos mag-viral sa social media ang video ng isang rider na nagreklamo tungkol sa umano’y bayad sa pagpasok sa bayan.

Ayon kay Mayor L.A Ruanto, walang ipinapataw na toll fee o bayad sa simpleng pagpasok o pagdaan sa Infanta. Aniya, ang kinokolekta ng lokal na pamahalaan ay ang Municipal Environmental Users Fee na nagkakahalaga ng ₱30 kada turista, alinsunod sa Ordinace No.30 Series of 2021.

Binigyang-diin ng alkalde na ipinapataw lamang ang bayad sa mga turistang gumagamit ng mga likas na yaman ng bayan tulad ng karagatan, ilog, kabundukan at iba pang destinasyong pangkalikasan. Ang pondong nalilikom mula rito ay ginagamit para sa mga programang pangkalikasan gaya ng waste management, reforestation at environmental protection.

Ipinaliwanag din ng LGU na malaking hamon ang problema sa basura sa mga lugar na dinarayo ng mga turista, partikular sa kahabaan ng Marilaque Road. Ayon sa alkalde, tone-toneladang basura ang regular na kinokolekta ng mga volunteer at kawani ng pamahalaan mula sa mga gilid ng kalsada, kabundukan at ilog.

Batay sa tala ng Municipal Treasury, umabot na sa mahigit ₱1.73 milyon ang nakolektang MEUF hanggang Hunyo 10, 2026. Mas mataas ito kumpara sa mahigit ₱619,000 noong 2024 at ₱571,000 noong 2025.

Ayon sa LGU, 50 porsiyento ng koleksiyon ay inilalaan sa mga programang pangkalikasan, habang 20 porsiyento naman ang napupunta sa community at barangay development projects. Mayroon ding 20 porsiyentong bahagi para sa tourism development at 10 porsiyento para sa mga collector at bantay-kalikasan.

Samantala, inamin ng alkalde na nagkaroon ng pagkukulang sa pagpapatupad ng koleksiyon sa bahagi ng highway. Dahil dito, humingi siya ng paumanhin sa mga turistang naabala at nalito.

Ayon sa kanya, naglabas na siya ng direktiba noong Mayo 18, 2026 na itigil ang pangongolekta ng MEUF sa kahabaan ng highway habang wala pang maayos na Municipal Tourism Reception Facility sa bahagi ng Marilaque. Sa halip, sa mga tourism destination, resort at iba pang tourist establishments na lamang dapat kolektahin ang bayarin.

Paglilinaw pa nito na kung nakapagbayad na ng MEUF sa isang collection point, hindi na dapat muling singilin sa mga destinasyon. Ipakita lamang ang resibo bilang patunay ng bayad, paliwanag ng alkalde.

Sa kabila ng kontrobersiya, sinabi ng LGU na mananatiling ipatutupad ang ordinansa hangga’t hindi ito napapawalang-bisa sa pamamagitan ng bagong batas o kautusan ng korte.

Nanawagan naman ang pamahalaang bayan sa mga turista at riders na makiisa sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng wastong pagtatapon ng basura at pagsunod sa mga lokal na regulasyon habang bumibisita sa Infanta.

Share this