1 PATAY SA ROAD CRASH SA BAGUIO CITY; OPERASYON NG BUS COMPANY NA SANGKOT SA INSIDENTE, SINUSPINDE NG LTFRB

Nasawi ang konduktor ng isang pampasaherong bus matapos na masangkot sa road crash sa Kilometer 6 ng Marcos Highway sa Baguio City.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad, madaling araw ng June 16, noong mangyari ang aksidente, sumalpok sa nakaparadang truck sa gilid ng kalsada ang pampasaherong bus na siyang ikinasawi ng konduktor nito matapos na ma-trap sa loob ng bus habang hindi bababa sa anim na iba pa ang nasugatan.

Sinuspinde Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng kautusan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, nang 30 araw ang operasyon ng mahigt 24 na unit ng bus na pag-aari ng kumpanyang North Genesis Bus Line, Inc. matapos na masangkot sa naturang insidente.

Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad kung may mga paglabag sa rules and regulations ang kumpaniya sa ilalim ng Certificate of Public Convenience (CPC).

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, patuloy ang ahensya sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente.

Kaakibat nito nag issue na rin ng show cause order ang LTFRB na nag-uutos sa kumpanya na isailalim sa drug testing ang lahat ng kanilang mga bus driver at pag-iinspeksyon sa road worthiness sa 24 na suspendidong bus units.

Pinagpapaliwanag rin ang kumpanya sa pamamagitan ng notarized writing kung bakit hindi ito dapat bigyan ng sanction para sa pagha-hire ng reckless driver.

Ipinasusuko na rin ang mga plaka ng mga suspendidong unit upang matiyak ang pagsunod sa suspension order.

Samantala, ipinag-utos naman ng kalihim na pabilisin pagbabayad ng insurance sa pamilya ng namatay na biktima at lahat ng nasugatan.

Inatasan rin niya ang mga opisyal regional office ng LTFRB na regular na bantayan ang pagsunod ng kumpanya sa pagbabayad ng insurance.

Habang nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye at sanhi ng aksidente.

Share this