DOJ, IGINIIT NA MAAARING ISUKO SI DELA ROSA SA ICC SA ILALIM NG BATAS NG BANSA

Manila, Philippines — Sa gitna ng nakaambang pag-aresto ng International Criminal Court laban kay Ronald dela Rosa, iginiit ng Department of Justice na walang batas na pumipigil sa gobyerno na makipagtulungan sa international tribunal.

Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Jose Dominic Clavano IV, sa ilalim ng Republic Act No. 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, maaaring isuko ng Pilipinas ang isang akusado sa naaangkop na international court.

Gayunman, muling binigyang-diin ng DOJ na mas makabubuting hintayin muna ang magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa usapin.

Matatandaang naghain si Senator Dela Rosa ng bagong manifestation sa Korte Suprema upang humiling ng agarang judicial protection at gabay kaugnay sa legal na epekto ng arrest warrant laban sa kanya.

Muli ring umapela ang kampo ng senador para sa pagpapalabas ng temporary restraining order o TRO.

DELA ROSA, WALANG PINAGSISIHAN SA PAGPAPATUPAD NG WAR ON DRUGS

Sa kabila ng kinahaharap na sitwasyon, iginiit ni Dela Rosa na wala siyang pinagsisisihan sa pagpapatupad ng war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aminado naman ang senador na may mga naging lapses sa kampanya kontra droga noong nakaraang administrasyon, ngunit nanindigan siyang wala siyang babaguhin sa paraan ng pagpapatupad nito.

Nanawagan din si Dela Rosa sa kanyang mga kapwa pulis matapos niyang awitin ang PMA Hymn.

Ayon sa senador, paalala umano ito sa kanyang mga kasamahan na huwag siyang ipagkanulo sa mga dayuhang hukuman.

Babala rin niya na maaaring maranasan din ng iba pang law enforcers ang sitwasyong kinahaharap niya ngayon.

Giit ni Dela Rosa, hindi ito pagsuway sa administrasyon kundi bahagi lamang umano ng kanyang paglilingkod sa iisang bansa at mamamayan.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this