ILANG LUGAR SA CEBU, NAAPEKTUHAN NG ASHFALL MULA KANLAON

Cebu City, Philippines — Nakapagtala ng ashfall o pag-ulan ng abo sa Toledo City, mga bayan ng Aloguinsan at Pinamungajan, at ilang bahagi ng Cebu kasunod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Dahil dito, pinayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na magsuot ng face mask o panakip sa ilong at bibig kapag lalabas ng bahay upang maiwasan ang paglanghap ng volcanic ash na maaaring magdulot ng iritasyon sa paghinga at iba pang suliraning pangkalusugan

Inirerekomenda rin ng mga awtoridad na manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari at panatilihing nakasara ang mga pinto at bintana upang hindi makapasok ang abom gayundin ang pagtatakip ng pinagkukunan ng tubig, pagkain, at pakain sa mga alagang hayop upang maiwasan ang kontaminasyon.

Hinikayat din ang mga motorista at residente na iwasan ang hindi kinakailangang paglalakbay habang may matinding ashfall dahil sa mababang visibility at madulas na kalsada.

Habang pinayuhan din ang mga may-ari ng bahay na ligtas na alisin ang naipong abo sa bubong at alulod dahil maaaring bumigat ito kapag nabasa at magdulot ng pinsala sa mga istruktura.

Samantala, gumamit ang DOST-PHIVOLCS ng Ash3D, isang ash dispersion model, upang magsagawa ng computer simulation ng katamtamang eksplosibong pagputok ng Bulkang Kanlaon noong Hulyo 9.

Layunin nitong matulungan ang mga volcanologist at lokal na pamahalaan sa pagmamanman at pagtukoy sa mga lugar na apektado o maaaring maapektuhan ng ashfall.

Patuloy namang pinapayuhan ang publiko na sundin ang mga opisyal na abiso ng kanilang Local Chief Executive at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa kanilang kaligtasan. — Psalm Axl Perez, Contributor

Share this