Manila, Philippines — Nilinaw ng Department of Justice na hindi nito ikinokonsidera ang paglalagay ng reward money para sa makapagbibigay ng impormasyon sa lokasyon ni Ronald dela Rosa upang maipatupad ang arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Ayon kay acting Justice Secretary Fredderick Vida, may natatanggap silang impormasyon mula sa iba’t ibang law enforcement agencies na tumutulong sa paghahanap sa senador.
Gayunman, nanawagan si Vida kay dela Rosa na sumuko sa mga otoridad at sumunod sa umiiral na batas bilang kasalukuyang senador at dating hepe ng Philippine National Police.
Binanggit din ni Vida ang reklamong inihain ni dela Rosa sa korte, na dinidinig naman aniya ng korte.
Giit niya, bilang kapwa Pilipino at tagapagpatupad ng batas, dapat silang magtulungan upang mapanatili ang rule of law.
Ayon pa kay Vida, batay sa kanilang impormasyon nananatili pa ring nasa hurisdiksyon ng Pilipinas si dela Rosa.
Sinisilip na rin umano ng DOJ ang bilang ng mga armas na nakarehistro sa pangalan ng senador.
DOJ, NAG-ISYU NG SUBPOENA SA MGA AHENSYA NG GOBYERNO PARA SA IMBESTIGASYON SA ICC WARRANT VS. DELA ROSA
Samantala, nagsumite na ang DOJ ng subpoena sa ilang ahensya ng gobyerno para sa mas malawak na imbestigasyon kaugnay ng pagpapatupad ng arrest warrant laban kay dela Rosa.
Ayon kay Vida, naglabas na ng kautusan ang special panel of prosecutors ng DOJ upang tipunin ang mga dokumento mula sa Senado, Commission on Audit, at Philippine National Police–Firearms and Explosives Office para sa mahahalagang ebidensya sa kaso.
Direktang inatasan din ang tanggapan ng Senate Secretary na magsumite ng internal records, kabilang ang entry at exit logs, mga dokumento mula sa Office of the Sergeant-at-Arms, pati na rin ang listahan ng personnel deployment at security protocols.
Ayon sa DOJ, bahagi ito ng mas pinaigting na imbestigasyon sa implementasyon ng warrant of arrest at sa posibleng obstruction of justice.—Krizza Lopez, Eurotv News