CAMP CAPINPIN, RIZAL — Ibinalik ng Philippine Army sa pamilya ang labi ng isang miyembro ng New People’s Army (NPA) na nasawi sa isang engkwentro sa Barangay Lourdes, Magsaysay, Occidental Mindoro noong Hulyo 9 upang mabigyan ng maayos at marangal na libing.
Ayon sa 203rd Infantry Brigade, nagsagawa ng focused military operation ang pinagsanib na puwersa ng 1st Infantry Battalion, 68th Infantry Battalion, at 5th Scout Ranger Battalion matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong indibidwal sa Barangay Lourdes.
Nauwi ang operasyon sa isang engkwentro kung saan nasawi ang miyembro ng NPA na si Anhing “Ka Oca” Ingayan Da-it. Narekober din ng mga sundalo ang isang high-powered firearm, mga kagamitang pandigma, at iba pang personal na gamit sa lugar.
Matapos ang operasyon, isinailalim sa itinakdang proseso ang labi ni Da-it bago ito ibinalik sa kanyang pamilya upang mabigyan ng maayos at marangal na libing.
“Ensuring that his remains were returned to his family reflects the professionalism, discipline, and humanity that our soldiers uphold in every operation,” ani ni 203rd Infantry Brigade Commander Brigadier General Melencio Ragudo.
Binigyang-diin ni 203rd Infantry Brigade Commander Brigadier General Melencio Ragudo na isinagawa ang operasyon bilang tugon sa ulat ng mga residente at alinsunod sa umiiral na mga proseso. Aniya, nananatiling iginagalang ng kanilang hanay ang dignidad ng tao sa kabila ng armadong tunggalian.
Nagpasalamat naman ang anak ng nasawing rebelde sa Philippine Army sa pagtulong na maibalik ang labi ng kanyang ama sa kanilang pamilya. Sa kaniyang social media post, kinondena rin niya ang armadong pakikibaka ng CPP-NPA at nanawagan sa mga natitirang miyembro ng organisasyon na magbalik sa kani-kanilang pamilya sa halip na ipagpatuloy ang armadong tunggalian.
Samantala, sinabi ni 2nd Infantry Division Commander Major General Ramon Zagala na hindi ipinagdiriwang ng Philippine Army ang pagkasawi ng sinuman sa armadong tunggalian dahil kinikilala nilang kapwa Pilipino pa rin ang mga sangkot dito. Umaasa rin aniya ang hukbo na pipiliin ng mga nananatili sa armadong kilusan ang landas ng kapayapaan, magbabalik sa kanilang mga pamilya, at magiging katuwang sa pagtataguyod ng ligtas, mapayapa, at maunlad na mga komunidad.—Angel Aldo, Contributor