Manila, Philippines — Sa gitna ng mga insidente ng karahasan at krimen laban sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) riders, naghain ng Senate Resolution No. 527 si Senator Mark Villar upang bigyang proteksyon ang sektor ng ride-hailing drivers.
Sa ilalim nito, nanawagan ng isang masusing pagsusuri sa mga kasalukuyang batas at regulasyon upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga TNVS riders, pasahero, at mapanatili ang tiwala sa ligtas na pampublikong transportasyon.
Kabilang dito ang pagpapatibay ng passenger identity verification, real-time trip monitoring, at pagpapalakas ng mga in-app emergency response ng mga public utility vehicle operators, katulad ng Transport Network Companies.
Nitong nagdaang linggo, dalawang magkasunod na insidente ng karahasan at krimen laban sa mga TNVS riders ang naitala.
Sa Carmona, Cavite, isang TNVS rider ang pinagnakawan at pinatay ng kanyang pasahero. Matapos nito ay nanikil din ang suspek sa pamilya at asawa ng biktima.
Limang araw makalipas, isang TNVS rider ulit ang pinaslang at pinagnakawan sa Caloocan City.
Ayon kay Senator Villar, dapat lamang na bigyang proteksyon ang bawat Pilipinong naghahanap-buhay nang maayos at marangal.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable. Kasabay nito, isusulong natin ang mga repormang magbibigay ng tunay at pangmatagalang proteksyon sa ating mga TNVS rider,” pahayag niya.
Kabilang din sa panawagan na ito ng Senador ang isang imbestigasyon sa mga naganap na krimen at ang pagtitiyak ng hustisya at pananagutan sa batas.
Kasama aniya sa tungkulin ng gobyerno na tukuyin ang mga kakulangan sa patakaran upang tiyakin ang pananagutan at magtatag ng mga hakbang upang maiwasan ang mga katulad na insidente. — Nicole Buena, Contributor