PASAY CITY, PHILIPPINES — Naharang ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang isang shipment na naglalaman ng mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard value na ₱14.29 milyon. Natuklasan ang ilegal na droga sa isang international cargo facility sa loob ng NAIA Complex noong Hulyo 8, 2026.
Ayon sa BOC-NAIA, ang shipment ay idineklara bilang “Plastics and Ropes.” Gayunman, na-flag ito para sa masusing inspeksyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tungkol sa posibleng paglalaman nito ng ilegal na droga.
Sa isinagawang 100% physical examination, natuklasan ng mga awtoridad ang 2,102 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu. Ang mga pakete ng droga ay maingat na itinago sa loob ng ilang rolyo ng lubid upang makaiwas sa karaniwang inspeksyon.
Tinaya ng mga awtoridad na umaabot sa ₱14,293,600 ang standard value ng nakumpiskang hinihinalang shabu. Agad itong isinailalim sa tamang proseso at ipinasa sa PDEA para sa laboratory examination at karagdagang imbestigasyon.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon ng PDEA, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, BOC – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Philippine National Police Aviation Security Group, Airport Police Department, Philippine National Police Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.
Muling pinagtitibay ng BOC-NAIA ang pangako nito sa patuloy na pagbabantay at mabilis na aksyon laban sa smuggling at iba pang banta sa seguridad ng ekonomiya ng bansa.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng BOC ang consignment ng hinihinalang droga, at mahaharap sa kasong Custom Modernization and Traffic Act (CMTA). — Graciella Diez, Contributor