Nakahandang magbigay ng pabuya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa makapagbibigay-impormasyon ng motorcycle rider na nagpanggap bilang traffic enforcer at nagtangkang mangikil ng pera sa isang motorista.
Binigyang pansin ni MMDA Chief Atty. Armando Artes sa isang press conference ang tungkol sa kumakalat na video ng
ng isang lalaki na nanghihingi ng pera matapos manita ng kapwa motorista dahil sa umano’y paglabag sa batas-trapiko.
Base sa nasabing video na kinunan mismo ng nasitang motorista, umalis ang nagpakilalang traffic enforcer ng MMDA nang kaniyang hingin ang ID nito.
Paglilinaw ni Artes, hindi empleyado o traffic enforcer ng MMDA ang lalaki sa video.
Aniya, “Upon verification po hindi po namin ito empleyado at nagpapanggap po na empleyado ng MMDA para mang-extort po ng pera sa ating mga motorista.“
Kaugnay nito, nanawagan ang ahensya sa sinumang makapagsasabi ng pangalan at tirahan ng nagpapanggap na lalaki.
Giit ni Artes, handa silang magbigay ng pabuya na nagkakahalaga ng sampung-libo.
Kasama sa Facebook post ng MMDA ang larawan ng lalaki, suot ang itim na jacket o raincoat at helmet.
Maaaring dumulog sa kanilang tanggapan ang makapagtuturo sa impostor.
Sa ngayon, habang patuloy na tinutukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, nagsasampa na ng kaso ang MMDA laban sa pekeng empleyado.