NAPOLCOM, NAKIRAMAY SA PAMILYA NG 2 PULIS NA NASAWI SA SULTAN KUDARAT

SULTAN KUDARAT — Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang National Police Commission (NAPOLCOM) Regional Office XII sa mga mahal sa buhay, kaibigan, kapwa pulis, at pamilyang naulila nina Pat Joerel Bullos at Pat Apollo Pagurayan, na kapwa nasawi pasado alas-7 ng gabi noong Martes, Hulyo 7, sa Tinumiguis Bridge, Brgy. Tinumiguis, Sultan Kudarat. 

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulisya, nakasakay ng motorsiklo ang dalawa papunta sa kanilang base matapos magsagawa ng checkpoint operations sa boundary ng Lambayong, Sultan Kudarat at Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur nang tambangan ang mga ito ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Ayon kay P/BGen. Alan Manibog, regional director ng Police Regional Office XII, planado umano ang pananambang sa dalawang biktima, at isa sa mga motibong tinitingnan ay may kaugnayan sa trabaho ng dalawa.

“Their sacrifice and faithful service will forever be remembered as enduring examples of honor, integrity, and devotion to duty,” ayon sa pahayag ng NAPOLCOM Regional Office XII sa kanilang Facebook post.

Kinilala naman ng ahensya ang tapang, dedikasyon, at hindi matawarang paglilingkod sa bayan nina Pat Joerel Bullos at Pat Apollo Pagurayan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at makapagsampa ng kaukulang kaso. — Angel Aldo, Contributor

Share this