PAGASA: ‘VERY STRONG’ EL NIÑO, INAASAHANG MAGTATAGAL HANGGANG UNANG KALAHATI NG 2027

Manila, Philippines — Posibleng mas tumindi at tumagal pa ang kondisyon ng El Niño, na maaaring magpatuloy hanggang sa susunod na taon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa kanilang climate models at pagsusuri ng mga eksperto, inaasahang magsisimulang lumakas ang El Niño sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026.

Maaari naman itong tumagal hanggang sa unang kalahati ng taong 2027.

Bunsod nito, mariing hinihikayat ng PAGASA ang gobyerno at publiko na magtipid at magpatupad ng mitigation strategies sa lalong madaling panahon.

Binigyang-diin ng PAGASA na ang matagal na pagkawala ng ulan ay maaaring maging malaking banta sa sektor ng agrikultura at suplay ng tubig, lalo na sa food security, energy production, kalusugan ng publiko, at ekonomiya.

Sa kabilang banda, patuloy pa rin ang pag-iral ng Southwest Monsoon o hanging habagat at mga bagyo na posibleng magdala ng localized thunderstorms at above-normal rainfall, lalo na sa western portion ng bansa.

Hinimok ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang mga lokal na pamahalaan at mahahalagang sektor na magsagawa ng agarang aksyon batay sa datos bago pa man maramdaman ang buong epekto ng El Niño.

Ayon pa sa kalihim, inilunsad ng DOST-PAGASA ang “CliMap” at mga localized climate projections.

Sa pamamagitan nito, mas madaling makukuha ang mga nakalipas na datos at climate projections hanggang sa antas ng munisipalidad para sa mas matibay na paghahanda sa pagbabago ng klima.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this