PAGDAMI NG KASO NG LEPTOSPIROSIS, ITINUTURING NANG EPIDEMIYA SA MAYNILA

Manila, Philippines — Dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng leptospirosis, inanunsyo na ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ngayong Lunes, September 7 na itinuturing nang isang epidemiya ang pagkalat ng naturang sakit sa lungsod.

Base ito sa post ng Manila Public Information Office, kinumpirma ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla na nasa “epidemic condition” na ang lungsod batay sa pinakabagong datos ng Manila Health Department (MHD).

Ayon sa ulat, mula sa 1.27% attack rate noong nakaraang linggo, pumalo na ito sa 3.48% ngayon.

Base naman sa MHD ngayong araw, nakapagtala pa ng 12 na bagong kaso ng leptospirosis sa lungsod, dahilan upang umabot na sa 982 ang kabuuang bilang ng pumasok na kaso mula noong Enero.

Dahil sa patuloy na pagdami ng mga pasyente, punuan na rin ang ilang pampublikong ospital tulad ng Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital, at Justice Jose Abad Santos General Hospital.

Agad naman nang inatasan ni Mayor Domagoso ang mga ahensya ng pamahalaang lungsod na paigtingin ang kampanya kontra leptospirosis.

Kaugnay nito, ipinamamahagi na nang libre ang mga doxycycline capsule sa 44 na health center at pitong (7) district hospital sa Maynila.

Inatasan din ang MHD at ang 896 barangay na sila na mismo ang bumaba sa taumbayan upang magbahagi ng gamot sa mga residenteng naapektuhan ng mga nakaraang pagbaha.

Samantala, pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na agad magpatingin sa doktor kapag nakaramdam ng mga sintomas ng leptospirosis, dahil maaari pa ring magkaroon nito kahit hindi direktang lumusong sa baha.—Poliana Canuday, Contributor

Share this