MANILA PHILIPPINES – Mas pinaigting na ng Philippine Coast Guard ang kanilang search and rescue operation sa motorbanca na Mike Denmark na may sakay na tatlong katao na nawawala pa noong kasagsagan ng bagyong Aghon sa probinsya ng Quezon.
Ayon sa Coast Guard Southern Tagalog, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa karagatan ng Barangay Calutcot bayan ng Burdeos Quezon Province matapos silang magkubli dahil sa sama ng panahon.
Ayon sa mga lokal na residente sa lugar, ang motorbanca ay sinakyan ng tatlong tao, kabilang ang caretaker nito. Bukod pa rito, ang nasabing caretaker ay iniulat na sumakay sa Motorbanca Mike Denmark 3 upang siyasatin ang kalagayan nito sa panahon ng pananalasa ng Bagyong Aghon bago nangyari ang insidente.
Nakipag ugnayan na ang PCG Northern Quezon sa mga sub-istasyon nito at iba pang lokal na awtoridad upang paigtingin ang pagsisikap sa paghahanap sa nawawalang motorbanca.
Umaapela ang PCG sa sinumang makakita na agad ipagbigay alam sa kanila o kaya ay sa mga awtoridad.