RETIRED NBI AGENTS, NAGPAHAYAG NG SUPORTA KAY NBI DIR. MATIBAG KAUGNAY NG INSIDENTE SA SENADO

Manila, Philippines — Naglabas ng pahayag ang NBI Retirees and Ex-Employees Association Inc. bilang suporta kay NBI Dir. Melvin Matibag at sa mga ahente ng National Bureau of Investigation kaugnay ng kontrobersyal na insidente sa Senado.

Sa kanilang statement, pinuri ng samahan ang umano’y matatag na paninindigan ng mga ahente sa pagpapatupad ng batas at sa pagsasakatuparan ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court laban kay Senator Ronald dela Rosa.

Kinondena rin ng grupo ang umano’y pagkanlong kay dela Rosa at ang naging pag-iwas nito sa pananagutan habang nasa ilalim ng protective custody.

Tinuligsa rin nila ang naging aksyon ng Senate Sgt. at Arms sa ilalim umano ng pamumuno ni Mao Aplasca matapos ang pagpapaputok ng baril sa loob ng Senado, na ayon sa kanila ay naglagay sa panganib sa buhay ng mga ahente, media personnel, at iba pang tao sa loob ng gusali.

Kasabay nito, kinuwestyon din ng grupo ang umano’y pagtatangka ni Senator Imee Marcos na hikayatin ang Pangulo na suspendihin at sibakin si Matibag at ang kanyang mga tauhan.

Ayon sa samahan, ginagawa lamang umano ng mga ahente ang kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan.

Nanawagan din ang organisasyon sa mga kasalukuyang nagseserbisyo sa NBI na manatiling matatag at ipagpatuloy ang kanilang misyon sa pagsusulong ng hustisya at rule of law.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this