RAPE JOKE NG ISANG RADIO ANCHOR SA KAPWA REPORTER SA LIVE BROADCAST, KINONDENA NG GABRIELA PARTYLIST

Manila, Philippines — Ito ang mga naging kontrobersyal na pahayag ni K5 News FM Bacolod 101.5 anchor Jean Paul Generoso sa live broadcast ng 11MBPS radio show Miyerkules ng gabi.

Sa segment ng broadcast, nagre-report ang babaeng correspondent kaugnay ng kaso ng pagmamaltrato at pananakit sa isang bata.

Sa kalagitnaan ng kanyang report, nagbiro si Generoso sa reporter kung maaari syang gahasain upang makulong sya at magkita sila sa kulungan nitong suspect na nanakit sa bata na kasalukuyang naka-piit.

Maka-ilang beses pang inulit ni Generoso ang nasabing joke, bago tuluyang napalitan ang usapan.

Ang insidenteng ito, mariing kinondena ng Gabriela Women’s Party na kumakatawan sa sektor ng mga kababaihan sa Kongreso.

Ayon kay Partylist Representative Sarah Elago, hindi kailanman dapat gawing biro ang pang-aabuso, lalo na ang panggagahasa.

Giit nya, hindi ito punchline at kailanma’y hindi mapapagaan ang bigat ng salitang ‘rape’ bilang isang marahas na krimen at paglabag sa karapatan ng mga biktima.

“Mas lalong nakakagalit na nangyari ito habang tinatalakay ang isang sensitibong usapin ng pang-aabuso. Sa halip na magpakita ng paggalang at sensibilidad sa mga biktima, ginawa pa itong pagkakataon para gawing katatawanan na lalo lamang nagnonormalisa ng rape.” 

Lalong higit pa raw itong nakaaalarma bilang nangyari ito sa trabaho, at habang nakalive ang programa.

Malinaw aniyang paglabag ito sa gender-based sexual harassment, at hindi katanggap-tanggap na nagmula ito sa isang indibidwal na nasa hanay ng media.

Ani Elago, ang insidenteng ito ay may seryosong epekto sa kung ano ang magiging pananaw ng lipunan kaugnay ng karasahan laban sa mga kababaihan at mga kabataan.

Ang pagbibiro tungkol sa rape ay mas patatahimikin lamang daw ang mga biktimang maghahain ng reklamo.

“Sa panahon ng tumitinding kaso ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan, dapat maging malinaw ang paninindigan ng lahat: hindi biro ang rape. Hindi ito dapat gawing katatawanan, content, o pakulo para sa atensyon.” 

Panawagan ngayon ng partido, pananagutan at kaukulang aksyon upang hindi makunsinte ang mga similar na aksyon at pananalita.

Ngayong araw lamang, pumasa na ikatlo at huling pagbasa ng Kongreso ang Expanded Anti-Violence Against Women and Children na layong maglatag ng mga hakbang na magpoprotekta sa mga kababaihan at kabataan laban sa anumang uri ng karahasan, partikular na sa online spaces.

Samantala, nag-syu na ng public apology si Generoso kaugnay ng kanyang inappropriate statements sa nasabing broadcast.

Aminado syang naging pabaya sya nang magbiro sya kaugnay ng rape at wala raw syang intensyon na gawing biro ang pagdurusa ng mga biktima: “I take full responsibility for my words. There is no excuse for this severe lapse in judgment. Rape is a heinous crime that causes profound, lasting trauma to victims and their families. I deeply regret that my thoughtless remark has caused pain, offense, and disappointment to survivors, their loved ones, and the listening public.”

Handa aniya syang panagutan ang kanyang pagkakamali at nangakong magsisilbi itong araw para sa kanya.—Mia Layaguin, Eurotv News

Share this