Manila, Philippines — Nagtungo ang isang binatilyo na si Dexter Molina sa National Police Commission (NAPOLCOM) para ireklamo ang tatlong pulis ng Manila Police District (MPD) dahil sa umano’y pagpapabaya at online harassment noong Hunyo 7, 2026.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman and Executive Officer Rafael Vicente Calinisan personal na lumapit si Molina sa kanilang tanggapan dahil sa pangamba sa kanyang seguridad matapos ang umano’y kapabayaan at harassment na kanyang naranasan.
Ayon kay Molina, naganap ang insidente noong Hulyo 3 matapos ang isang alitang pampamilya kung saan nahimatay ang kanyang ama at kinailangang isugod sa ospital. Aniya, hindi umano sila tinulungan ng dalawang pulis na naunang rumesponde kahit humingi sila ng tulong.
Inireklamo rin ni Molina si Police Master Sergeant Jessrel Arboleda, na umano’y gumagamit ng pangalang “DYEYS” sa social media. Ayon kay Calinisan, napatunayan sa validation ng NAPOLCOM NCR na si Arboleda ang may hawak ng Facebook page ng Police Station 6 kung saan umano’y nagmula ang mga mapanirang komento laban sa complainant.
Sinabi ni Molina na natakot siyang ituloy ang reklamo matapos makatanggap ng mensaheng maaari siyang kasuhan kung hindi mapatutunayang totoo ang kanyang alegasyon.
Mariing kinondena ni Calinisan ang umano’y asal ng mga pulis at iginiit na hindi dapat ganito ang pagtrato sa mga mamamayang naghahanap ng tulong at hustisya.
“Hindi ito katanggap-tanggap dahil dapat ang ating pulis ay tumutulong at maging sensitibo sa pangangailangan ng ating biktima. Hindi dapat sila nagtatago sa anonymous account para mang-harass ng ating biktima,” ani Calinisan.
Ayon kay Calinisan, maaaring maharap sa kasong Neglect of Duty ang dalawang pulis na umano’y hindi tumulong, habang si PMSg Jessrel Arboleda ay posibleng sampahan ng Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Tiniyak ng NAPOLCOM NCR na magsasagawa ito ng patas na imbestigasyon at pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa tungkulin.—Graciella Diez, Contributor