Manila, Philippines — Ipinagbabawal na ang pagkakaroon ng surprise witness sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ayon kay Blue Ribbon Chair Sen. Erwin Tulfo.
“Bawal na po ngayon ang surprise witness under my watch,” saad ni Tulfo sa naganap na Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) Balitaan sa Harbor View, nitong Martes, Hulyo 7.
Ayon sa senador, kailangan nang magpasa ng affidavit ang mga haharap na testigo bago ang pagdinig upang masuri muna ito ng mga miyembro ng Senado at makabuo sila ng mga tamang katanungan.
Dagdag pa niya, bibigyan ng tatlong araw ang mga witness para lumantad bago ang mismong hearing at dapat ay tiyaking may dala silang affidavit.
“According to the rules, meron po kaming 3 day rule. Number 1, magbigay ka ng affidavit mo para ma review ng lahat ng miyembro. Hindi yung basta ka na lang sisipot doon sa hearing. Bigyan mo kami ng affidavit, then pag-aaralan ng buong miyembro, minority, majority, para doon din namin if-formulate yung question,” dagdag pa ni Sen. Tulfo.
Kasunod nito, binanggit din ni Tulfo na isinumite na sa Office of the Ombudsman ang pangalan nina dating House Speaker Martin Romualdez at iba pang opisyal na nauna nang nabanggit sa mga nakaraang pagdinig.
Isasalang naman ang mga bagong pangalan pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27.
Kaugnay nito, bubuo na rin siya ng mga sub-committee kung saan magtatalaga siya ng mga magiging chairman nito—gaya na lamang ng pag-inhibit niya sa flood control probe na ipinauubaya naman sa pamumuno ng ibang mambabatas.—Angel Aldo, Contributor