QUEZON CITY — Naka-full alert na ang Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni Police Brigadier General Randy Glenn Silvio bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Typhoon Inday (Bavi), ngayong Hulyo 9, 2026.
Inilagay na sa full disaster preparedness ang lahat ng unit ng QCPD upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang insidente. Nakipag-ugnayan na rin ang distrito sa Quezon City Local Government Unit (LGU), Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), at iba pang ahensya para sa maayos na koordinasyon ng emergency response.
Patuloy ring sinusuri ng QCPD ang kahandaan ng kanilang mga tauhan, rescue equipment, sasakyan, at communication systems. Naka-monitor din ang kapulisan sa mga flood-prone areas, evacuation centers, pangunahing lansangan, at transport terminals sa lungsod.
Naka-standby rin ang mga disaster response teams para sa search and rescue operations, evacuation assistance, traffic management, law enforcement, at iba pang kinakailangang humanitarian assistance sakaling lumala ang epekto ng bagyo.
Ayon sa pinakahuling weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), humina na ang Super Typhoon Bavi at isa na lamang itong Typhoon Inday habang kumikilos pa-kanluran-hilagang kanluran sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Bagama’t hindi inaasahang direktang magla-landfall sa bansa, patuloy nitong pinapalakas ang southwest monsoon o habagat na maaaring magdulot ng malakas na pag-ulan at pabugsu-bugsong hangin sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila.
“The QCPD assures the public that all stations remain prepared to respond at any time and are committed to safeguarding lives, protecting property, and maintaining peace and order before, during, and after the onslaught of Super Typhoon Bavi (Inday),” ani PBGen. Silvio.
Nanawagan din ang QCPD sa mga QCitizen na manatiling alerto, sumunod sa mga abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan, at makipagtulungan sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa habang patuloy na binabantayan ang galaw ng bagyo. — Graciella Diez, Contributor