Manila, Philippines — Kasado na sa September 3 ang pagsasagawa ng Nationwide Safety Drill ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralan bilang paghahanda sa mga hindi inaasahang insidenteng may kaugnayan sa karahasan.
Pero di tulad ng orihinal na plano, wala nang role playing, mahigpit ding ipagbabawal ang paggamit ng patalim, blunt weapon, baril, paputok o anumang uri ng bagay o sitwasyon na aktwal makikita ng mga bata na maaaring magdulot lamang ng takot at trauma.
Kahit pa pag-arteng nabaril at nasugatan ay hindi rin pahihintulutan sa gagawing drill sa mga paaralan.
Ayon sa DepEd sesentro sa calm operational confidence at muscle memory sa pamamagitn ng orientation ang gagawing drill, kung saan paiiralin ang trauma informed sa ilalim ng “Do no harm” na nakabatay sa ibinigay na mga rekomendasyon ng Philippine Psychiatric Association, Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry, at Philippine Pediatric Society.
Kabilang sa mga pagsasanay na gagawin ang pag secure sa mga pinto sa panahaon ng active threat, tahimik na pagtatago malayo sa bintana at iba pang hakbang.
Magkakaroon din ng hiwalay na alarm tuwing may active threat na hindi kapareho sa hudyat na naririnig tuwing mga lindol.
Samantala ang assistance naman ng mga kapulisan sa m,ismong araw ng drill ay para lamang sa pagtitiyak ng kaligtasan sa paligid ng mga paaralan at pagkatapos ng aktibidad.
Hindi rin pinahihintulutan ang mga uniformed personnel na magpakita ng tactical disalarming o anumang agresibong kilos na nakakatakot.
Samantala, tiniyak naman ng Kagawaran ng Edukasyon na magiging epektibo ang Nationwide drill para magsilbing batayan sa pagpapabuti ng contingency plan sa bawat paaralan.