Tarlac City, Philippines — Nahanap na ang labi ng isa pang nawawalang indibidwal matapos masira ang Agana Bridge sa Tarlac City nitong nakaraang Sabado, August 29, ayon kay Tarlac Mayor Susan Yap.
Kinilala ang biktima na si Shanen Tuhao, isa sa limang sakay ng sasakyan na nahulog sa tulay sa gitna ng hagupit ng masamang panahon.
Narekober ang kanyang labi kahapon Setyembre 1, alas-4 ng hapon sa Brgy. San Vicente, Bayambang, Pangasinan.
Ito na ang ikalawang labi na natagpuan kasunod ng unang marekober noong Agosto 31 na si James Patrick Taborlupa.
Patuloy naman ang panalangin at paghahanap sa dalawa pang nawawala na sina Paul Harvey Collado at Shiela Mae Taborlupa.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman ng PCG na magpapatuloy ang search and rescue operation ngayong araw.
Samantala, personal naman na dumating si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Tarlac City ngayong araw upang personal na inspeksyunin ang nasirang bahagi ng Agana Bridge.–Poliana Canuday, Contributor