Manila, Philippines — Sinimulan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkakasa ng mas malawak at mas mahigpit na anti-fake plates operations sa bansa, kasabay ng babala laban sa lahat ng mga gumagawa at gumagamit nito.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ikinaaalarma ng ahensya ang talamak na bentahan online ng mga pekeng plaka, lalo na iyong ginagaya ang opisyal na plakang mula sa LTO.
Ang hakbang na ito ng ahensya ay upang maiwasang magamit ang mga peke at hindi awtorisadong plaka sa panloloko at sa iba pang uri ng krimen.
Ani Lacanilao, nagiging malaking hamon para sa mga awtoridad ang pagtugis ng kriminal sa mga probinsya dahil sa pandaraya at pamemeke ng plaka.
Mayroon na rin aniyang modus kung saan ang mga carnapped na sasakyan, papalitan ng existing na plaka upang hindi madaling ma-trace.
Babala nya, maging ang mga QR code ng mga lehitimong plaka, maaari na rin aniyang madaya at mapeke.
Dagdag ni Lacanilao, maghihigpit din sila sa iba pang mga violations, mapa-pribado o pampublikong sasakyan man.
Ang mga saksakyang nahuling lumalabag, impounded na sa LTO.
Ang mga mahuhuling nag-tamper ng plaka, pagmumultahin ng P5,000, habang ang mga nag-pproduce nito, maaaring maharap sa mga kasong kriminal.
Simula naman October 1, mas mahigpit na ang gagawing enforcements ng LTO para sa mga gumagamit ng improvised at temporary plates.
Ngayong Setyembre, mayroong 30 araw ang mga owners na kumuha at makapagsecure ng Authority to Use para sa mga improvised plates.