HONTIVEROS, HINDI SANG-AYON SA PAGBABA NG CRIMINAL LIABILITY AGE

Manila, Philippines — Sa kabila ng mga karahasang kinasasangkutan ng mga menor de edad sa loob at labas ng paaralan, nananatiling hindi sang-ayon si Senator Risa Hontiveros na ibaba ang minimum age of criminal responsibility.

Gayunman, sinabi ng senadora na bukas siya sa pagsusuri at pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act kung may mga probisyong kinakailangang baguhin upang mas maging epektibo ang pagpapatupad nito.

Aniya, higit na mahalagang palakasin ang intervention at rehabilitation programs para sa mga batang nalalagay sa panganib na makagawa ng krimen.

Sinabi rin ni Hontiveros na aktibo siyang makikibahagi sa pagdinig ng Senate Committee on Justice sakaling irefer dito ang imbestigasyon kaugnay ng Tacloban school shooting.

Matatandaang nanawagan kahapon ang ina ng isa sa mga estudyanteng nasawi sa pamamaril ng dalawang menor de edad sa Tacloban City na ibaba ang minimum age of criminal responsibility.

SENADORA, BINIGYANG-DIIN ANG KAKULANGAN SA INTERNET SAFETY AT KAPASIDAD NG LAW ENFORCEMENT

Sa unang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay ng Tacloban school shooting, isiniwalat ni Hontiveros na may mga indikasyong naimpluwensyahan ng online extremist group na “764” ang mga suspek.

Ayon sa senadora, target umano ng grupo ang mga vulnerable na menor de edad sa online platforms.

Kapag nakuha na ang tiwala ng isang bata, hinihikayat umano itong gumawa ng karahasan at iba pang mapanganib na gawain.

Binigyang-diin ni Hontiveros na kabilang sa mga nakikitang kahinaan ng pamahalaan ang internet safety measures, ang kakayahan ng mga law enforcement agencies na matukoy ang mga online na banta sa mga kabataan, at ang kakulangan ng kapasidad ng gobyerno na makasabay sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this