Manila, Philippines — Pinalagan ni Senator Risa Hontiveros ang mga batikos laban sa ilang miyembro ng Minority Bloc kaugnay ng kanilang maagang pag-uwi bago ang nangyaring putukan.
Sa kanyang social media post, sinabi ng senadora na huwag sanang gamitin sa pamumulitika ang pag-uwi nang maaga ng mga empleyado ng Senado na tapat na ginagampanan ang kanilang trabaho.
Ayon kay Hontiveros, natapos na ang sesyon kaya normal lamang na magsiuwian ang ilang empleyado at opisyal ng Senado.
Aniya, bumiyahe siya patungong probinsya para sa isang nakatakdang engagement, gayundin ang iba pang senador ng minority bloc at kanilang mga staff.
Mariin din niyang sinabi na iisa lamang ang nakikita niyang dahilan kung bakit pilit inuugnay sa kanila ang nangyaring kaguluhan na nauwi sa palitan ng putok—at ito umano ay para protektahan ang isang lalaking umiiwas harapin ang batas.
Dagdag pa niya, tagapangasiwa lamang ang mga senador ng Senado at pag-aari ito ng sambayanang Pilipino.
Binigyang-diin niya na walang sinuman ang maaaring umangkin sa institusyon o gamitin ito bilang panangga.
Dahil dito, nanawagan si Hontiveros kay Senator Ronald dela Rosa na sumuko at makipagtulungan sa mga awtoridad kaugnay ng kanyang warrant of arrest.
Samantala, naglabas din ng pahayag si Senator Win Gatchalian kaugnay ng shooting incident sa loob ng Senado.
Mariin niyang kinondena ang karahasan sa loob ng bakuran ng Senado.
Hiniling din niya sa Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, at Senado na magsagawa ng agarang imbestigasyon na may buong kredibilidad at transparency.—Krizza Lopez, Eurotv News