PRESENSYA NG 56 CHINESE VESSEL NAMATAAN SA WPS NOONG AGOSTO — AFP WPS SPOKES

Manila, Philippines — Umabot sa 56 na Chinese vessels, kabilang ang mga barko ng Chinese Coast Guard at Chinese Navy, ang namonitor ng Philippine Navy sa apat na mahahalagang bahagi sa West Philippine Sea noong Agosto.

Ayon kay AFP West Philippine Sea spokesperson Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, mas naipapakita sa buwanang datos ang tahasang pagpasok ng CCG sa teritoryo ng bansa.

Matatandaang wala umanong naitalang Chinese Navy o PLAN warship sa isinagawang monitoring noong nakaraang linggo.

Sa kabuuang 56 vessels, 23 ang namonitor sa Panatag Shoal, kabilang ang siyam na PLAN warships at 14 Chinese Coast Guard vessels.

Sa Ayungin Shoal, 18 Chinese vessels ang namonitor, isang PLAN warship at 17 Chinese Coast Guard vessels.

Siyam naman ang namonitor sa Escoda Shoal, kabilang ang apat na PLAN warships at limang Chinese Coast Guard vessels.

Habang anim na Chinese vessels ang namonitor sa Pag-asa Island—isang PLAN warship at limang Chinese Coast Guard vessels.

Kailangan pa aniya ng mas maraming datos upang matukoy kung may partikular na trend sa presensya ng mga barkong Tsino sa West Philippine Sea.

Samantala, ikinababahala ni Filipino Do Not Yield movement Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goiita na maging normal na realidad ang pansamantalang presensya ng china kung mananatiling walang malinaw na dahilan ang pag-ikot nito sa karagatang sakop ng Pilipinas.

“Ang pansamantalang presensya ngayon ay maaaring maging normal na realidad bukas kung hahayaan itong magpatuloy nang walang tugon.”

Hindi raw ito ang unang beses na nakita ang presensya ng mga barko ng Tsina sa Panatag shoal.

Nabanggit niya ang posibleng pagsasagawa ng research activity ng China sa naturang teritoryo, ngunit hindi malinaw kung ano at para saan ang pag-aaral na ito.

Direkta niyang paalala ang paninindigan ng Pilipinas kaugnay sa soberanya ng Pilipinas na hindi dapat maging isang paksa ng negosasyon: “Ang ating soberanya ay hindi maaaring ipagpalit, isuko, o gawing paksa ng negosasyon.”

Ayon sa militar, patuloy na hamon sa kasarinlan at hurisdiksyon ng Pilipinas ang presensya ng mga barkong Tsino sa West Philippine Sea, na nakadaragdag din umano sa tensyon sa South China Sea.–Krizza Lopez, Eurotv News

Share this