Manila, Philippines — Aprubado na ng House Committee on Appropriations ang panukalang P785.2 million na panukalang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa Fiscal year 2027.
Ang panukalang budget na ito, 11.7% na mas mababa kumpara sa P889.236 million na pondo ng OVP ngayong 2026.
Sa budget deliberations ng House committee on appropriations nitong Miyerkules, pinangunahan ni OVP Undersecretary Zuleika Lopez ang mga kinatawan ng opisina ng ikalawang pangulo upang depensahan ang panukalang pondo ng opisina.
Layon ng pondo na suportahan ang 9 core initiatives ng OVP para sa 1.4 million beneficiaries ng iba’t iba nitong programa para sa 2027.
Pinakamalaking bahagi ng ponfo o nasa P561 million ang nakalaan para sa Maintenance and Other Operating Expenses ng OVP.
P235.8 million ang allotment para sa personnel services, habang P3.3 million naman para sa Capital Outlay.
Wala namang confidential at intelligence funds na kasama sa hinihinging pondo ng OVP para sa susunod na taon.
At katulad sa naging budget hearing para sa Office of the President, kaagad ding nagkaroon ng mosyon para gawaran ng interparliamentary courtesy ang opisina ni Vice President Sara Duterte.
Sa bisa nito, i-te-terminate ng House Committee on Appropriations ang budget deliberations ng OVP nang walang interpolations.
Kinontra naman ni ACT Teachers Partylist Representative Antonio Tinio ang naging mosyon at muling iginiit na may tungkulin ang komite na siguruhing transparent sa publiko ang usapin ng pondo.
Muli rin nyang hinikayat ang mga kapwa mambabatas na ibasura na ang tradisyong paggawad ng inter-parliamentary courtesy sa co-equal branches.
Nagkasundo rin ang komite na makapagtanong ang ilang miyembro patungkol sa budget ng OVP bago tuluyang iterminate ang budget deliberations.
Pumayag din si Lopez at nagpahayag ng kahandaang sumagot sa mga tanong ng mga mambabatas na may kaugnayan sa pondo.
Samantala, tumanggi naman si Lopez na sagutin ang puntong naitanong patungkol sa Pax Silica.
Matapos ang ilang katanungan, muling inihain ang mosyon para sa termination ng deliberations, na sinang-ayunan at inaprubahan ng komite.–Mia Layaguin, Eurotv News